SAN JOSE, Occidental Mindoro, (PIA) – Isandaang mamalakaya ng bayan ng San Jose ang tumanggap ng libreng lambat, na may sukat na 100 metro bawat isa kamakailan.
Ipinamahagi ito ng pamahalaang bayan ng San Jose sa pamamagitan ng Municipal Agriculturists Office (MAO).
Ayon kay Romel Calingasan, tagapamuno ng MAO, ang mga benipisyaryo ay walang pagaaring malaking lambat batay sa Municipal Fisherfolk Registration (FishR). Ipinaliwanag ni Calingasan na ang FishR ay naglalaman ng iba’t ibang impormasyon hinggil sa mga mangingisda na maaring maging basehan sa pagbibigay ng proyekto o tulong sa mga mamamalakaya.
“Nakatala sa ating rehistrasyon (FishR), na ang mga fisherfolks na tumanggap ng ayuda ay walang sariling kagamitan o kung meron man ay maituturing nasa small scale fishing lamang”, dagdag ni Calingasan.
Nakatala din umano sa FishR kung ang isang mamamalakaya ay nangingisda sa isang palaisdaan (fishpond) o karagatan, gayundin ang pamamaraan ng panghuhuli ng isda tulad ng paggamit ng kawil at lambat.