Asam ng Philippine Ice Hockey Team na makasungkit ng medalya sa Division-3 sa pagsabak nito sa susunod na buwan na Asian Winter Games sa Pebrero 17 hanggang 27 sa Sapporo, Japan .
Nakahanda na ang 23-kataong Philippine team sa malaking kumpetisyon, ayon kahapon kay team manager at assistant team captain Francois Gautlier.
Ipinaliwanag ni Gautlier na maski bagong kasapi pa lang sa World Ice Hockey Federation at wala pang ranking ang mga Pinoy na ka-bracket sa mababang division ay tiwala siyang makakagawa sila ng ingay sa nalalapit na paglahok sa kada apat na taong kompetisyon.
Ito ang unang pagkakataon na sasabak ang Ice Hockey sa torneo habang isa din ito sa regular na medal sports na paglalabanan sa nalalapit na 29th Southeast Asian Games sa Kuala Lumpur, Malaysia sa Agosto 19 hanggang 31.
Inaasahang 10 bansa ang kalahok sa third division na hahatiin sa dalawang grupo.
Kasama ang Philippines sa Group A ang Bahrain, Kuwait, Qatar at Kyrgyztan.
Ipatutupad ang round robin elimination at ang top country sa bawat grupo ang maglalabu-labo para sa gold medal habang ang mga second placers ang mga maglalaro para sa bronze. (Angie Oredo)