Tumanggap ng P1.45 milyong pisong tulong pinansyal ang lokal na pamahalaan ng Sagunday sa probinsya ng Quirino mula sa Department of Labor and Employment (DoLE) sa pamamagitan ng Quirino Regional Field Office (RO-2).
Ayon kay Maria Theresa T. Ronquillo, hepe ng Quirino RO-2, ang nasabing halaga ay tutulong para sa mga proyektong pangkabuhayan ng 151 benepisyaryo maging para sa emergency employment ng nasa 30 manggagawa.
Pawang mga solo parents, benepisyaryo ng 4P’s, at magsasaka ang benepisyaryo ng proyektong pangkabuhayan kung saan maaari silang mamuhunan sa ‘fossilized flowers’ o sa negosyong ‘bamboo crafts making’.
Nagpaabot naman ng pasasalamat si Mayor Marcelina Pagbilao ng Saguday sa DoLE RO-2 para sa naibigay na tulong pinansyal nito na may layong iangat ang estado ng pamumuhay ng kanilang mga residente.
“Salamat sa patuloy na pagsuporta at pagtulong sa aming maliliit na munisipyo at sa pagpapaunlad sa ikinabubuhay ng aking mga kababayang kapus palad,” sinabi ni Mayor Pagbilao.
Hinimok rin ng alkalde ang mga benepisyaryo na gamitin sa mabuti at pagyabungin pa ang tulong pangkabuhayan na kanilang nakuha mula sa DoLE RO-2.
“Pagbutihin ang ibinigay na biyaya, pagyamanin at bigyan ng importansya, dahil minsan lang ito at huwag ito sasayangin,” dagdag pa ni Mayor Pagbilao.