Sinampahan ng Land Transportation Office (LTO) ng kaso ang tatlong fixers na naka-base sa National Capital Region office ng ahensiya.
Kasong estafa at paglabag sa anti-red tape act ang isinampa ng LTO laban kina Rhoda Antonio ng Valenzuela City, Eleanor Manalili ng San Juan del Monte, Bulacan; at Dexter Laggui ng Quezon City.
Sinabi ni LTO-NCR director Atty. Clarence Guinto na nanghingi umano ang tatlo ng pera para sa mabilis na proseso at pag-release ng LTO documents.
Napag-alaman na humingi umano si Antonio sa complainant ng P20,000 bayad kapalit ng pag-release ng van na hinila dahil isa itong colorum public utility vehicle.
Si Manalili naman ay kinasuhan dahil sa panloloko sa isang kliyente na hiningan niya ng R2,300 para sa renewal ng kaniyang driver’s license, habang si Laggui naman ay nag-demand ng R900 sa isang driver na nakumpiskahan ng lisensiya.
Nagbabala ang LTO na ang mga fixers o sinumang tao na nagpa-facilitate ng mg LTO documents sa lahat ng opisina ng ahensiya ay aarestuhin.
Sinabi ni LTO chief Assistant Secretary Edgar Galvante na ipinatutupad ng LTO ang zero-tolerance policy laban sa mga fixer.
“LTO has been cited as one among the graft-filled and corrupt agencies, and we fully intend to change that,” ani Galvante. (Vanne Elaine P. Terrazola)