Sugatan ang 20 katao habang umabot naman sa P20 milyong halaga ng ari-arian ang nasira sa sunog na sumiklab sa isang LPG refilling station at nadamay ang katabing gasoline station sa Pasig City makalipas ang hatinggabi kahapon.
Naganap ang dalawang oras na sunog matapos ang isang pagsabog dakong 1:06 a.m. sa Omni Gas Corporation na matatagpuan sa A. Sandoval Avenue.
Umabot ng fifth alarm ang sunog bago ito naapula bandang 3:10 a.m., ayon sa report ng awtoridad. Kinilala ng Pasig City Fire Station ang ilan sa mga nasugatan na sina Epifanio Ausa, 50; Adonis Muñoz, 22; Jayro Soriano, 22; Jectopher Cawili, 21; Romeo Eugenio, 28; Camilo Alcaraz, Jr., 18; Alejandro Conrad, 42; Raymundo Saturnino, 20;Jason Dagaw, 25; Philip Villota, 28; Domingk Guira, 29; at Jeffrey Eugenio, 35. Sila ay mga empleyado ng Omni Gas Corporation at Flying V. Karamihan sa kanila ay nagtamo ng partial burns habang ang ilan ang nagtamo ng paso sa buong katawan.
Sinabi ni Fire Chief Inspector Nazrudyn Cablayan na nasira ang opisina ng Omni Gas Corporation at bahagyang nasurnog ang cashier’s office ng Flying V. Inaalam pa ng mga imbestigador ang dahilan ng explosion sa LPG refilling station. (Jenny Maongdo)