Sa kabila ng report na nakatakda nang magsagawa ng pilot-test ang Department of Health (DoH) para sa distribution condoms sa mga paaralan sa isang rehiyon, sinabi ni Education Secretary Leonor Briones na hindi pa nakakatanggap ang Department of Education (DepEd) ng anumang pahayag o go signal mula sa health agency tungkol sa hakbang na ito.
Bago sana magbigay ng pahayag ang DoH, binigyang diin ni Briones na gusto niyang makasama ang buong Executive Committee (ExeCom) ng DepEd sa sensitibong desisyon para sa pinagtatalunang programa.
Nauna nang sinabi ni Briones na hindi dapat maging “mass event” ang condom distribution sa mga paaralan kung sakaling matuloy ang pag-implementa ng programa.
“It will be at the level wherein students are capable of understanding and discerning through the continuing age-appropriate reproductive health education in schools,” pahayag ni Briones. (Merlina Hernando-Malipot)