KIDAPAWAN, North Cotabato (PIA) – Palalakasin pang lalo ang operasyon ng Call 911 Response Unit sa pagtugon sa anumang emerhensiya at mga pangyayari dito sa lungsod.
Ito ay matapos inihayag ni City Mayor Joseph Evangelista na nakatakdang bumili ng abot sa R5.1 milyon na halaga ng mga kagamitan na gagamitin sa maayos at mabilis na pakikipag-ugnayan sa iba’t-ibang ahensiya at pagmonitor sa mga krimen at banta ng terorismo.
Ayon sa alkalde, mula sa nasabing halaga, R1.3 milyon dito ay ilalaan sa mga high resolution closed-circuit television camera na ilalagay sa mga pangunahing lansangan sa lugar partikular sa Davao-Cotabato highway.
Ang R3.8 milyon ay gagamitin naman upang mapalakas ang operasyon ng Intelligence Operation Center. Kabilang din dito ang pagbili ng Internet Protocol (IP) radio, digital handheld radios, digital repeater radio at mga computer software and server.
Maliban dito, sinabi pa ni Evangelista na dadagdagan din ang mga mobile unit at mga emergency kit para sa mga pangangailangang medikal ng mga rerespondehang biktima.
Giit ng opisyal, ang hakbang na ito ay bahagi ng kanilang isinusulong na mithiing mabigyan ng sapat na tulong ang mga mamamayan sa oras ng pangangailangan.