Namatay na ang isa sa mga biktima ng pagsabog sa isang LPG refilling station na naging sanhi ng sunog sa Pasig City noong nakaraang Miyerkules, ayon sa mga awtoridad.
Binawian ng buhay si William Khey, 39, Omni gas corporation supervisor, nitong Huwebes, dahil sa tinamong burn injuries, habang ginagamot pa rin ang iba pang biktima sa Rizal Medical Center. Sinagot ng Omni Gas Corporation ang pagpapaospital ng mga biktima.
Tinatayang nasa R20 milyong ari-arian ang nasira sa sunog na sumiklab matapos ang dalawang beses na pagsabog sa LPG refilling station sa Sandoval Avenue, Barangay San Miguel, noong January 11.
Umabot sa 21 katao ang malubhang nasugatan sa sunog, 20 sa kanila ay manggagawa ng Omni Gas Corporation, habang ang isa na nakilalang si Epifanio Ause, 50, ay empleyado ng kalapit na furniture shop.
Nasugatan si Ause matapos na mabagsakan ng nagibang pader ng shop dahil sa lakas ng pagsabog.
Ayon kay Fire Senior Inspector Anthony Arroyo, Bureau of Fire Protection (BFP) Fire marshall, nag-leak ang kinakalawang na 15-ton storage tank ng Omni. Base sa CCTV footage ng Flying V, mabilis na kumalat ang gas fumes sa gasoline station, 30 minuto bago naganap ang pagsabog.
“Nagle-leak ’yung tanke. May sarili silang fire trucks. Binubuhusan nila yung tanke, vine-ventilate para ma-dissipate ’yung fumes sa atmosphere. Pero accumulated na siya sa isang confined area. Pero ang gas fumes kasi mas mabigat sa hangin kaya bumababa talaga siya at kumakalat,” pahayag ni Arroyo. (Jenny F. Manongdo)