MALOLOS, BULACAN (PIA) – Hihilingin ng pamahalaang panlalawigan ng Bulacan sa Sangguniang Panlalawigan nito na magpasa ng resolusyon na magbabawal sa pagligo sa Bakas river na matatagpuan sa bayan ng Norzagaray.
Ito ay kasunod ng nangyaring insidente ng pagkalunod at pagkasawi ng dalawang estudyante ng Bulacan State University.
Ayon kay Gobernador Wilhelmino Sy-Alvarado, kanila itong hihilingin upang maiwasang maulit ang kaparehang insidente.
Sa tuwina na nagpapakawala ng tubig ang Angat Dam, nagpapatunog ito ng sirena na nagsisilbing babala sa mga lumalangoy o iyong nasa malapit na ilog upang tumungo sa mas ligtas na lugar.
Base sa nakalap na ulat ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office, bago ang insidente binalaan na ang mga kabataan na huwag lumangoy sa ilog dahil malakas ang agos ng tubig.