Inaresto ng pulis ang isang lasing na lalaki matapos niyang saksakin ang isang indie film actor sa loob ng isang kainan sa Pasay City noong isang araw.
Nakakulong na ngayon sa Pasay City Jail ang suspek na si John Bautista, 21, ng No. 88-B Rosal St., Brgy. Bergonville, Las Piñas City; habang kasalukuyang namang nagpapagaling sa San Juan De Dios Hospital ang biktimang si Christian Muñoz, 27, nagtatrabaho bilang extra sa mga indie film.
Nagtamo ng isang saksak sa leeg si Muñoz, base sa police report. Ayon kay Senior Supt. Lawrence Coop, chief ng Pasay City Police, nagpunta si Muñoz kasama ang dalawang kaibigan sa Harlem Restaurant sa Libertad Street.
Dakong 7 a.m., tinangka ni Muñoz na awatin si Bautista sa pakikipag-away sa isang grupo ng kalalakihan sa loob ng naturang restaurant.
Ikinagalit ni Bautista ang pakikialam ng indie film actor. Maya-maya pa, nagbasag ng isang bote ng beer ang suspek at ginamit ito sa pananaksak kay Muñoz.
Ginulpi naman ng mga kasamahan ni Muñoz si Bautista. Inawat ng security officers ang away at dinala si Bautista sa Pasay City Police habang si Muñoz naman ay isinugod sa ospital.
Sinampahan ng kasong serious physical injury si Bautista, ayon sa police. (Martin A. Sadongdong)