SAN JOSE, Occidental Mindoro (PIA) – Nakatakdang ipagdiwang ng bayan ng Sablayan ang ika-115 nitong Anibersaryo ng Pagkakatatag sa ika-25 ng Enero.
Ayon kay Sylvia Salgado, Municipal Tourism Officer (MTO) ng Sablayan, Disyembre pa lamang ay marami na silang mga programa na nakalinya sa pagdiriwang ng Anibersaryo gayundin sa mga darating na weekends ngayong buwan.
Ang ilan sa mga ito ay battle of the band, variety shows at mga palarong pawang pinangunahan ng iba’t ibang organizasyon at eskwelahan.
Sa mismong araw ng selebrasyon, ika-25 ng Enero, uumpisahan ang pagdiriwang ng Grand Opening Parade sa umaga at Welcome Ball sa gabi. Sa kasunod na araw naman ay ‘Araw ng mga Katutubo’ na may nakalaang aktibidad para sa mga Indigenous Peoples (IP’s). Sa gabi naman ang Binibini at Ginoong Sablayan 2017, kung saan walong pares ng mga kabataang Sablayenyo ang sasabak sa isang patimpalak ng talino, talento at kagandahan.