Patay ang isang South Korean national matapos tumalon mula sa balcony ng isang condominium unit sa Malate, Manila, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ng police ang biktima na si Yeosang Ryu, 30, sa pamamagitan ng Alien Certificate Registration (ACR) na na-recover sa kanya.
Tumalon si Yeosang mula sa kanyang unit na matatagpuan sa 23rd floor ng Birch Tower Condominium sa Bocobo Street, ayon kay PO3 Marlon San Pedro, investigator ng Manila Police District homicide section.
Base sa initial investigation, natagpuang patay si Yeosang dakong 4:15 a.m. sa storage room ng ground floor ng condominium tower.
Napag-alaman na inupahan ni Yeosang ang condo unit simula noong Dec. 17, 2016. Patuloy pang sinisiyasat ang insidente na ipinagbigay-alam na rin ng police sa South Korean embassy. (Analou de Vera)