Ipinahayag kahapon ni House Speaker Pantaleon “Bebot” Alvarez na hindi pipigilan ng liderato ng mababang kapulungan ng Kongreso ang arrest warrant na ipinalabas ng isang Manila Regional Trial Court (RTC) laban kay 1-Pacman Rep Michael Romero.
Pinayuhan pa ni Alvarez si Romero na makipag-ayos na sa kanyang ama, matapos na maglabas ang korte ng arrest warrant laban sa mambabatas dahil sa kasong qualified theft.
“Sundin natin ang batas, mahirap naman protektahan ang kasama natin kahit sinasabi ng batas na may arrest warrant,” sabi ni Alvarez.
“Unang una mag-ayos silang magama, (kasi) family problem naman ‘yan puwede nilang ayusin,” dagdag pa ni Alvarez.
Matatandaan na ipinalabas ng Manila RTC Branch 11 Judge Cicero Jurado Jr. ang isang arrest warrant laban kay Romero at dalawa pa nitong kasamahan dahil sa kasong qualified theft.
Pinanidigan ni House Majority Floor Leader Rodolfo Fariñas na hindi magbibigay ang Lower Chamber ng parliamentary immunity kay Romero.
Sinabi ni Fariñas na igagalang ng House ang dalawang pahinang court order para sa pag-aresto sa bilyonaryong mambabatas.
“The House of Representatives will protect the rights of its members as well as those of any person, but will respect and obey the laws and legal orders promulgated by the duly constituted authorities,” pagdidiin ni Fariñas.
(Charissa M. Luci)