Tinatayang nasa P1.5 milyon ang halaga ng ari-arian habang 150 pamilya naman ang nawalan ng tirahan nang sumiklab ang isang sunog sa Parañaque City noong Martes ng gabi.
Ayon kay Parañaque Bureau of Fire and Protection chief, Supt. Renato Corpuz, nagsimula ang sunog sa third floor ng bahay ng isang Dodong Masangkay na matatagpuan sa Sitio Bagong Pag-asa, Barangay Sun Valley, Parañaque City, bandang 10:10 p.m.
Sinabi ni Corpus na mabilis na kumalat ang apoy sa mga kalapit bahay na yari sa light materials.
Sinabi pa niya na umabot sa fifth alarm ang sunog dakong 10:47 p.m. bago ito naapula bandang 1:14 a.m. kahapon.
Aniya, inaalam pa ng mga imbestigador ang sanhi ng sunog at hinahanap ang isang taong napabalitang nawala sa kasagsagan ng sunog.
Dinala ang mga naapektuhan ng sunog sa kalapit na covered court kung saan pansamatala silang titira. (Jean Fernando)