Nagkaloob ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng kabuuang P1,017,000 halaga ng tulong pangkabuhayan sa barangay Teresita, munisipalidad ng Mansalay sa Oriental Mindoro para sa Sack Making Project ng Teresita Farmers Association (TFA).
Pinangunahan ni DOLE MIMAROPA Regional Director Alvin M. Villamor sa pamamagitan ng Oriental Mindoro Field Office ang pagbibigay ng tseke upang makabili ng mga raw materials, at iba pang kagamitan na kinakailangan para mapatakbo ang proyektong paggawa ng sako na unang panukala ng 186 miyembro ng TFA sa labor department.
“Dahil wala pang produksyon na gumagawa ng sako sa lugar (Ikalawang Distrito ng Probinsya), karamihan sa mga magsasaka ay bumibili pa ng sako sa ibang lugar at kung minsan ay sa labas pa ng probinsya. Malaking tulong ito para sa mga residente at sa asosasyon ng mga manggagawa na namumuhunan rin sa paggawa ng mga pataba, organic fertilizers/vermi-cast fertilizers,” wika ni Villamor.
Hinikayat naman ni DOLE Oriental Mindoro Field Officer Engr. Juliana Ortega ang mga opisyal at miyembro ng TFA na ipagpatuloy ang sack making project at palaguin pa ito bilang isang community enterprise.