Isang lalaki ang nasaktan habang 25 bahay ang naabo nang sumiklab ang sunog sa isang residential area sa Commonwealth, Quezon City, noong Miyerkules.
Sinabi ni Quezon City fire marshall Senior Supt. Manuel Manuel na tinatayang nasa P200,000 ari-arian ang nasira ng sunog na sumiklab dahil sa faulty electrical wiring sa isang junkshop na matatagpuan sa Steve St., Barangay Commonwealth, dakong 12:55 p.m.
Ang shop ay pag-aari ng mag-asawang sina Estaban at Juliana Razon. Ayon kay Manuel, nagtamo si Estaban, 59, ng mga paso sa kaliwang balikat nang mabilis na kumalat ang apoy sa shop na puno ng combustible materials.
Nadamay din ang 24 pang bahay. Umabot sa 39 firetrucks ang rumesponde sa lugar ng sunog na umabot sa fifth alarm bago naapula. Nasa 500 pamilya ang apektado ng sunog.
Patuloy pang iniimbestigahan ang insidente. (Vanne Elaine P. Terrazola)