Patay ang isang robbery hold-up suspect matapos umanong manlaban sa mag police na umaaresto sa kanya sa Quezon City kahapon ng madaling araw.
Ayon sa police, napilitang barilin ng mga alagad g batas si Jerry Sibug nang paputukan sila ng baril nito sa halip na sumuko dakong 2:30 a.m. sa kanto ng West 6th St. at Times St. sa Barangay West Triangle.
Bago naganap ang shootout, isang Jeffrey Bautista ang nag-report sa police na hinoldup siya ng isang lalaki na armado ng baril at nakasuot ng blue jacket at red shorts na may tatak na number 14 sa West Avenue malapit sa kanto ng Bulacan Street sa Barangay Bungad bandang 10:30 p.m. noong Miyerkules.
Sinabi ng 31-year-old buy-and-sell agent na kinuha sa kanya ng suspek ang P10,300 cash, cellphones at personal na kagamitan.
Binugbog pa umano siya ng holdupper bago tumakbo dala ang mga nakulimbat sa kanya. Nang masakote ng operatives ng Masambong Police Station sa isang follow-up operation kahapon, biglang bumunot ng baril si Sibug at pinaputukan ang mga pulis.
Gumanti ng putok ang mga operatiba at napatay si Sibug. Napag-alaman ng police na si Sibug ay residente ng San Roque II, Barangay Bagong Pag-asa, at nasa drug list ng barangay.
Siya rin ang pinaghihinalaang sangkot sa mga nakaraang robbery hold-up incident sa EDSA at kalapit lugar.
(Vanne Elaine P. Terrazola)