Mas pinalawak ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga bawal na gawain sa pag-eempleo ng kabataan sa agrikultura at pangangalaga ng mga hayop upang mailayo sila sa mapanganib na kondisyon sa paggawa.
Ipinalabas ni Labor Secretary Silvestre H. Bello III ang Department Order No. 149-A na nagtatakda sa mapanganib at delikadong gawaing agrikultura tulad ng paglilinis ng lupain, pag-aararo, irigasyon, pagtatayo ng pilapil at pagpuputol. Idineklara ding mapanganib ang paghawak, pag-spray at paglalagay ng nakakapinsalang fertilizers, pesticides, herbicides at iba pang toxic chemicals; at pagkakarga at pagbubuhat ng mabibigat na bagay.