KASALUKUYANG nasa pre-production stage ng kanilang mga bagong pelikula ang dalawang master directors ng Philippine Cinema – sina Direk Mike De Leon para sa kanyang “Citizen Jake” at Direk Chito Roño para sa yet-untitled film nito.
Exciting ang balitang ito dahil kapwa mga pihikan sa paglikha ng kanilang mga obra ang dalawang multi-awarded directors, lalo na si Direk Mike – – na taong 2000 pa ang last film na ginawa, ang “Bayaning Third World.”
Si Atom Araullo ang lead actor ni Direk Mike, sa papel na isang reporter, bagama’t wala pa kaming nakukuhang confirmed co-actors ni Atom sa pelikula.
Matagal na umanong gustong gawin ni Direk Mike ang materyal, at ang sabi, eh ito na raw ang magiging last film ng batikang direktor.
Samantala, passion film project naman ang “kinakarir” ni Direk Chito bilang paghahanda sa bago nitong obra, dahil sa hometown niyang Samar ang set ng shooting.
Ayon sa aming source, si Christian Bables ang “napupusuan” ni Direk Chito dahil nakapag-“look test” na ito last week.
Si Christian ang gumanap na “Barbs”, best friend ni Paolo Ballesteros sa “Die Beautiful” na nagwagi ng Best Supporting Actor at sumikat dahil sa mahusay nitong pagganap.
Posible raw na pasok rin sa cast sina Mara Lopez, Keanna Reeves, Sue Prado, at Francis Magundayao.
Say ng insiders, kinu-consider na ipasok nina de Leon at Rono ang kanilang mga pelikula sa Metro Manila Film Fetival 2017. (Mell T. Navarro)