NAGPALIWANAG si Ritz Azul kung bakit ang status niya ay no boyfriend since birth o NBSB, matapos siyang ibuking ng kanyang kaibigang si Karen Reyes nang mag-guest sila sa ABS-CBN morning talk show na “Magandang Buhay.”
May mga nanliligaw naman daw sa kanya pero wala pa siyang sinasagot sa mga ito. Ano ba ang tipo niya sa isang lalaki?
“Sa akin, sa isang lalaki, mas tumitingin ako sa inside, sa ugali. Kasi natatakot na rin ako. Sa edad kong 23, parang masyado akong naging choosy ngayon. Natatakot akong masaktan siguro. At saka, mas iniisip ko ’yung career, ’yung opportunity na natanggap ko. Mas iniisip ko ’yung future na sayang naman ito kasi makakapaghintay naman din, at saka dadating sa tamang panahon ’yung mga ganu’n (lovelife),” sabi ni Ritz, na nagdiwang ng kanyang ika-23 kaarawan noong Jan. 11.
Kabilang din daw sa qualities na hinahanap niya sa magiging boyfriend niya ay ’yung God-fearing at family-oriented.
Sa tingin niya ba kapag nagka-boyfriend siya ay makakahadlang iyon sa career niya?
“Tingin ko naman, hindi, depende du’n sa magiging boyfriend. Pero sa akin kasi mas hinihintay ko po ’yung panahon na magsabi, ’yung oras. Kasi tingin ko ngayon mas pumo-focus ako sa kung anong dapat kong magawa. Dadating din iyan.”
Naniniwala rin si Ritz na mali ang napipili kapag minamadali ang pagkakaroon ng karelasyon. Kaya career muna ang focus niya ngayon lalo na’t pinagkatiwalaan siya ng ABS-CBN at Dreamscape Entertainment Television na maging bida sa upcoming teleseryeng “The Promise of Forever,” kung saan leading men niya sina Paulo Avelino at Ejay Falcon. Kasama rin dito ang best friend niyang si Karen. (Glen P. Sibonga)