Tatlong hinihinalang drug addict ang nasawi samantalang naaresto ang isang pulis sa raid ng isa umanong drug den sa Caloocan City noong Biyernes.
Kinilala ng Caloocan police ang mga nasawi na sina Jesse Ludwig Tohnacion, 35; Reynaldo Guilalas Matias, 55, at Jeffrey Leal Cruz, 44, mga residente ng Caloocan.
Nakilala naman ang pulis na si SPO1 Erwin Jose Vasquez, 45, ng Quezon City. Ayon sa imbestigasyon, nakatanggap ng ulat ang mga pulis sa isang concerned citizen na may nagaganap umanong pot session sa isang bahay na pagmamayari ni Tohnacion sa Vista Verde Subdivision, Barangay 167, Lian.
Pinaputukan ng mga suspect ang mga pulis pagdating sa bahay. Napilitang gumanti ng putok ang mga pulis at bumulagta ang tatlong suspect.
Inaresto ng kanyang mga kabaro si Vasquez na nakatalaga sa Admin Holding Unit ng Camp Karingal sa Quezon City sa loob ng bahay.
Narekober sa mga suspect ang caliber .38 revolver, hand grenade, dalawang improvised caliber .22 rifle, caliber .9 mm, samurai sword, digital scale, limang hinihinalang sachets of shabu, at mga drug paraphernalia.
Inamin naman ng ama ni Tohnacion na sangkot sa illegal drugs ang kanyang anak. (Jel Santos)