Sinabi kahapon ni Sen. Cynthia Villar na kaniyang isusulong ang pagpasa sa tatlong legislative proposals na naglalayong repormahin ang agriculture at environment sectors bago mag-adjourn ang Senado para sa Holy Week break.
Ang mga panukalang batas na ito ay ang Senate Bill 318 o ang Local Government Agriculture Development Act; SB 144 o ang Philippine Native Animal Development Act (PNADA); at ang pagpapawalwak sa coverage ng National Integrated and Protected Areas System (NIPAS) Act.
Lahat ng ito ay kabilang sa mga panukalang batas na napagkasunduan ng mga senador na bibigyan ng prayoridad para maipasa mula January 16 to March 17.
Sinabi ni Villar na ilan lamang ito sa mga bills na kaniyang inihain para maisakatuparan ang kanyang legislative agenda na repormahin ang agriculture at environment sectors.
Ang SB 318 ay nagpapanukala ng paglalaan ng 10 percent ng taunang development fund ng local government units (LGU) para sa implementasyon ng mga programa para sa agrikultura at pangingisda.
“This bill aims to make programs for the benefit of farmers and fisherfolks a priority among local government units, as well as continuity of agricultural programs,” sabi ni Villar, pinuno ng Committee on Agriculture and Food.
(Elena L. Aben)