Kalaboso ang bagsak ng dalawang bus holduppers nang ipahuli sila ng 60-anyos na babae na ninakawan nila ng cellphone habang nakasakay sa bus sa Quezon City noong Sabado ng gabi.
Nakakulong ngayon sina John Bermundo, 37, at Anjo Antioquia, 26, mga residente ng Presidential Road, Barangay Batasan Hills, sa QCPD headquarters, Camp Karingal, matapos nilang holdapin si Milagros Supil habang nakasakay sa bus sa EDSA, Cubao.
Ayon kay Supil, nakaupo siya sa pagitan ng dalawang suspek sa loob ng passenger bus papuntang Baclaran dakong 9 p.m. nang bigla siyang tutukan ng kutsilyo ni Bermudo at nagdeklara ng holdup.
Kinuha naman ni Antioquia ang kaniyang cellphone. Matapos nito, pinahinto ng mga suspek ang bus, bumaba at naglakad na parang walang nangyari.
Bumaba rin ng bus si Supil, na isa palang personnel ng Philippine National Police’s Health Service, at sumigaw ng tulong.
Kaagad na hinabol at nasakote ng dumadaang patrol cops ang dalawang magnanakaw. Na-recover ni Supil ang kanyang cellphone kay Bermundo habang nakumpiska kay Antioquia ang isang kutsilyo.
Sasampahan ng kasong robbery ang mga salarin. (Vanne Elaine P. Terrazola)