ANG nanalong Best Supporting Actor ng Metro Manila Film Festival 2016 na si Christian Bables ang kumpirmadong bida ni Direk Chito Roño sa sisimulan nitong bagong indie movie na siya rin ang executive producer.
Ito ang kinumpirma mismo ni Direk Chito sa Tempo, pagkatapos malagay sa social media na si Christian nga ang “napupusuan” ng award-winning master director para sa pelikulang “Bagtik”.
Ayon kay Direk, “may kanya-kanyang approach ng character” ang mga artistang nag-audition para sa minimithing lead role, bago siya nakapag-decide na si Christian na ang i-cast.
Say ng isa pang source, si Khalil Ramos ang isa sa mga “nakalaban” ni Christian sa role.
“Nag-audition na pala sa akin noon si Christian, sa ‘Badil’ (2013), pero hindi siya nakapasa dahil hindi swak sa edad ng hinahanap ko sa character,” kuwento ni Direk.
Kasama rin sa cast sina Mara Lopez, Daria Ramirez, Nanding Josef, Keanna Reeves, Sue Prado, Elora Espano, JR Versales, at Francis Magundayao.
Nilinaw ni Direk Chito na hindi niya ito balak ipasok sa MMFF 2017.
“Hindi ko nakikita ang pelikula as an MMFF movie,” aniya.
“Kung meron man akong ibang pelikulang gagawin, it has to start mid-year, pero hindi ito, dahil next week na ang shooting namin nito sa Samar,” pagtatapos ni Direk Chito. (MELL T. NAVARRO)