Natagpuang patay ang isang 62-taong gulang na lalaki sa isang motel room sa Pasay City noong Linggo ng hapon ilang oras matapos na mag-check-in kasama ang isang babae.
Pinaniniwalaang atake sa puso ang ikinamatay ni Jose Berondo, 62, sa loob ng room C-3 ng Date Inn na matatagpuan sa Sta. Monica at FB Harrison Streets, Pasay City, ayon sa police.
Sinabi ng motel roomboy na si Adzmar Morte na nakasuot lamang ng itim na underwear si Berondo nang matapuan niya itong wala nang buhay dakong 3 p.m., ang oras na dapat sasabihan niya ang matanda na tapos na ang tatlong oras niyang pananatili sa kuwarto.
Napag-alaman na nag-check si Berondo sa motel dakong 12:40 p.m. kasama ang isang babae na may taas na 5’0’’, nasa pagitan ng 30 at 35 ang edad, kayumanggi at hanggang balikat ang buhok.
Pagkaraan ng 45 minuto, umalis na ng motel ang babae sa pahintulot ni Berondo, base sa police report. Ayon sa pahayag ng motel officials, madalas na mag-check-in sa motel si Berondo kasama ang naturang babae.
Minsan dalawang beses silang pumasok sa motel na iyon sa loob ng isang lingo, sabi pa nila.Walang nakitang external injury sa katawan ng biktima, ngunit natagpuan ng mga pulis ang dalawang kahon ng sexual enhancement pills sa loob ng kuwartong nirentahan ni Berondo. (Martin A. Sadongdong)