Nag-abot ng tulong ang Department of Labor and Employment (DoLE) sa mga lugar sa MIMAROPA Region na sinalanta ng bagyong Nina noong nakaraang Pasko.
Namigay ng relief goods sa mga biktima si DoLE Undersecretary Joel B. Maglungsod, kasama sina Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Administrator Hans Leo J. Cacdac, MIMAROPA Regional Director Allan A. Ignacio at iba pang opisyal ng regional office. Partikular na binigyan ng tulong ang mga pamilya ng overseas Filipino workers (OFWs) sa Brgy. Nacoco, Calapan City, Oriental Mindoro.
Iniabot ng DoLE ang mga programa at serbisyo para sa mga biktima, kasama ang Emergency Employment Program (EEP) na kilala bilang Tulong Pangkabuhayan sa Ating Disadvantaged/Displaced (TUPAD) Workers, kung saan 650 kinilalang apektadong indibidwal sa mga lugar na nasa ilalim ng state of calamity ang nabigyan ng community service work na may bayad.
Sa nasabing programa, sila ay sasailalim sa sampung araw na community service kasama rito ang paglilinis ng baradong kanal, paglilinis at pagtatanggal ng mga nakaharang sa kalsada, at iba pang naaayong gawain na may minimum na sahod na R285.00 kada araw.