SASAMANTALAHIN ni Ultimate Star Jennylyn Mercado ang pagkakataong nasa Amerika siya para magbakasyon nang husto sa ibang lugar pa pagkatapos ng show nila sa Long Beach, California na “Sikat Ka, Kapuso.”
Ginanap ang naturang show noong nakarang Jan. 22 sa Terrace Theater sa Long Beach, California. Nakasama rito ni Jen sina Alden Richards, Lovi Poe, Dennis Trillo, Tom Rodriguez at Betong Sumaya.
Gusto raw kasi makaranas si Jen ng winter at tamang-tama ang punta niya sa Amerika dahil nagsu-snow sa ibang parte ng US ngayon.
“Hindi pa kasi talaga ako nakaka-experience ng bakasyon na ’yung puro ice.
“Usually ’di ba kapag pupunta tayo ng US, malamig lang ganyan or hindi ko naaabutan yung winter. So this time, puro yelo talaga, yelo, Northern Lights,” sey pa ni Jen.
Noong February 2016 pa raw nagpa-book si Jen para masaksihan nito ang Northern Lights sa winter months sa Amerika.
Hindi naman nabanggit ni Jen kung sino ang makakasama niya sa pagsaksi ng Northern Lights.
Pero may ilang nagsabing ang boyfriend niyang si Dennis Trillo ang makakasama ni Jen since magkasama na sila sa show sa California.
Anyway, iyon na raw ang magiging huling bakasyon ni Jen dahil pagbalik niya ay tuluy-tuloy na ang taping niya para sa teleseryeng “My Love from the Star” kung saan ka-partner niya ang bagong Kapuso hunk na si Gil Cuerva.
Naka-adjust na raw ang bagong leading man niya sa trabaho nila. At malaki raw ang tulong ni direk Joyce Bernal dahil madali raw itong katrabaho.
“Hindi na siya nahihiya ngayon. Nakikipagkwentuhan na siya.
“Nagtatanong na siya at masaya rin pala siyang kasama.
“Si direk Joyce, talagang ibibigay niya lahat para talagang makuha mo ’yung eksena.
“Tutulungan ka niya at ano, importante din kasi na ’yung environment masaya,” pagtatapos pa ni Jennylyn Mercado.
(RUEL J. MENDOZA)