HINDI na raw pinapansin ng kandidata ng Pilipinas sa Miss Universe 2016 na si Maxine Medina ang comments tungkol sa kanya sa social media lalo na ’yung galing sa bashers.
“Hindi na po muna ako nagbabasa, hindi kasi nakakatulong,” sabi ni Maxine.
Nakausap namin si Maxine sa meet-and-greet ng ilang Miss Universe 2016 candidates na hosted ng PLDT at Smart Communications. Ginanap ang event sa SMX Convention Center noong Jan. 21. Ang PLDT at Smart ay kabilang sa major presentors at sponsors ng Miss Universe 2016.
Ano ang reaksyon ni Maxine na ang pinsan niya at aktres na si Dianne Medina ay talagang ipinagtatanggol siya laban sa bashers at nag-unfriend pa sa Facebook ng mga nagkokomento ng negatibo sa kanya? “Kasi naman po since mga bata kami, since elementary, high school, talagang siya ang takbuhan namin. Siya lagi ang nagtatanggol sa amin ever since. Like kapag may resbak, ‘Ate Dianne, inaaway ako ni ganito.’ Si Ate Dianne talaga lagi ang resbak diyan.”
Ano naman ang masasabi niya na magiging bias at unfair daw kung sakaling siya ang mananalo sa Miss Universe 2016 dahil dito sa ating bansa ito gaganapin sa Jan. 30? “Well, parang sinabi na rin nating like before si Miss USA Olivia Culpo, ’yung pagkapanalo niya (sa Miss Universe 2012) is unfair dahil sa Amerika siya nanalo. Kung magsa-shine ka, magsa-shine ka talaga that night. If it’s yours, it’s yours. Let’s just be positive.”
Si Olivia Culpo ang tumalo sa Philippine candidate nating si Janine Tugonon na itinanghal namang first runner-up noong 2012.
Marami ang nag-aasam ng back-to-back win para sa Pilipinas matapos makuha ni Pia Alonzo Wurtzbach ang korona noong 2015. Ano ang reaksyon ni Maxine rito? “Oo naman, lahat naman is hoping for that. Pati ako, nagdadasal talaga ako for that.”
Ano ang mensahe niya para sa mga Filipino supporters niya? “Sa mga kababayan ko, sana suportahan ni’yo po ako.
Starting Jan. 23 open na po yung online voting until Jan. 30.’’ (GLEN P. SIBONGA)