BABANGGAIN nina Maja Salvador at Paulo Avelino ang subok nang loveteam nina Liza Soberano at Enrique Gil sa Valentine playdate ng kani-kanilang mga pelikula sa Feb. 15, Miyerkules.
Wala na ngang urungan ng magiging magkasabay na opening ng “I’m Drunk, I Love You” nina Maja at Paulo at “My Ex and Whys” ng LizQuen tandem sa isa sa pinakamagagandang playdates sa buong taon, ang Valentine week.
Ang “I’m Drunk, I Love You” ay produced ng TBA (Tuko-Buchi Boy-Artikulo Uno) Production na nag-produce ng “Heneral Luna” at ang MMFF 2016 Best Picture na “Sunday Beauty Queen,” samantalang mula naman sa Star Cinema ang “My Ex and Whys”.
Ang Maja-Paulo film ay tungkol sa dalawang mag-best friend na bago ang kanilang graduation ay nag-last road trip kung saan malalaman nila ang tunay na nararamdaman nila para sa isa’t isa. First full length film ito ni JP Habac, bagama’t ang short film nitong “Maria” ay nanalong Best Short Film sa Cinema One Originals 2016 at nakaikot na sa iba’t ibang international film festivals tulad ng Cairo.
Kasama rin sa cast sina Jasmine Curtis-Smith, Dominic Roco, Irma Adlawan at Jim Paredes, mula sa screenplay nina Habac at Giancarlo Abrahan.
Sa credits ng pelikula, kasama ang pangalan ni Paulo sa list ng producers.
Samantala, ang kuwento naman ng “My Ex and Whys” ay umiikot sa isang blogger (Liza) na nagmamay-ari ng isang magbubukas na blog called “The Bakit List,” at ang ex-boyfriend nito (Enrique) na hindi inaasahang magbabalik sa buhay nung blogger.
“Can you really still love someone who caused you pain?” ang part ng promo blurb ng nasabing pelikula mula sa tested box office director na si Cathy Garcia Molina.
Bago ang Feb. 15, as a pre-Valentine movie, showing sa Feb. 8 ang “Moonlight over Baler” ng T-Rex Productions.
Isang period love story topbilled by Vin Abrenica, Ellen Adarna, Sophie Albert at ang award-winning actress na si Elizabeth Oropesa, directed by master director Gil M. Portes. (MELL T. NAVARRO)