Nanawagan kahapon sa gobyerno ang mga miyembro ng Samahan ng Ex-Detainees Laban sa Detensyon at Aresto (SELDA) na huwag nang i-delay pa ang partial distribution ng danyos sa mga naging biktima ng martial law noong Marcos regime.
Iginiit ng mahigit sa 100 claimants, ilan sa kanila ay mula pa sa mga liblib na rehiyon, na hindi dapat magbigay pa ng mga dahilan ang Human Rights Victims Claims Board (HRVCB) sa pagpapatupad ng matagal nang naantalang kabayaran para sa mga biktima ng martial law.
“No less than President Rodrigo Duterte instructed the board to render partial distribution of claims within 60 days.
The HRVCB should stop making lame excuses and just do its work for the reparation of victims. Justice must be served immediately,” sabi ni SELDA chairperson Marie Hilao-Enriquez.
Sa dalawang dialogues na ginanap sa Malacanang noong Enero 17 at 19, nagkasundo ang mga partido na i-release na ang partial reparations sa libo-libong aplikante.
Kamakailan, ipinahayag ni retired police Gen. Lina Sarmiento, HRVCB head, na sisimulan na ng board ang partial distribution ng danyos sa second quarter ng taong ito.
Ayon sa HRVCB, nai-process na ang 30,000 sa 75,730 applications na nataggap ng kanilang opisina. (Chito Chavez)