Upang matiyak na makapagbibigay ng mataas na kalidad ng skills training ang bawat regional at provincial offices ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ay nagsagawa ng inspeksiyon si Director General, Secretary Guiling “Gene” Mamondiong sa mga tanggapan ng iba’t-ibang lalawigan at mga training centers nito.
Magkakasunod na nagsagawa ng “surprise visit” si Mamondiong sa mga rehiyon ng 1, 3 at Cordillera Administrative Region (CAR) at mga provincial offices nito upang masiyasat ang mga maaaring idagdag upang mapahusay ang pagbibigay ng serbisyo sa kanilang mga kliyente.
Bukod dito, pinulong din ni Mamondiong ang mga regional at provincial directors habang kinausap din nito ang mga kinatawan ng Technical Vocational Institutions (TVIs) at iba pang opisyal na namamahala sa pagbibigay ng kalidad na skills training sa mga naturang lugar.
Isa-isa ring siniyasat ni Mamondiong ang mga kagamitan ng bawat training centers na binisita nito at inatasan ang mga regional at provincial director na sabihin sa kanya ang mga kailangan pang gamit upang mapahusay pa ang kanilang serbisyo.