SABLAY ang hula ni Madam Auring na mahigpit na magkakalaban sa Miss Universe 2016 ang Miss Philippines at Miss Venezuela. Sinabi niya ito sa guesting niya sa “Kapuso Mo Jessica Soho.”
Hindi nga pumasok sa Top 13 si Miss Venezuela, samantalang nakaabot hanggang Top 6 si Maxine Medina, ang representative ng Pilipinas. At least, proud na rin ang mga Pinoy sa narating ni Maxine.
Ano kayang masasabi ni Gloria Diaz, Miss Universe 1969? “I told you so,” kaya? Na-bash siya dahil sa pahayag niyang one in a million ang chance ni Maxine na manalo dahil Pilipinas ang host country ng Miss Universe pageant.
Anyway, gandang-ganda kami sa blue gown ni Pia Wurtzbach sa kanyang farewell walk. Para siyang buhay na mannequin na rumampa.
Sobrang careful ang host na si Steve Harvey sa kanyang pagsasalita at baka nga magkamali na naman siya.
Coincidence kayang magkasunod niyang tinawag sina Miss Columbia at Miss Philippines na pasok sa Top 13? Last year, si Miss Columbia ang ipinahayag niyang nanalong Miss U 2015 at pagkatapos ng ilang segundo’y binawi niya at inihayag na si Miss Philippines (si Pia) ang nanalo.
Bago ipahayag ni Harvey ang bagong Miss Universe 2016, nilapitan siya ni Pia at inabutan ng salamin.
Deserve naman ni Miss France ang kanyang panalo. Tuwang-tuwang niyakap siya ng co-candidates niya.
Nega
Ang daming bashers ni Aljur Abrenica sa interbyu ng Pep.ph, sa sinabi niyang nagagamit daw ang pagbubuntis ni Kylie Padilla sa promotion ng “Encantadia.” Hindi naman maiiwasang banggitin ang title ng serye dahil isa sa mga bida si Kylie.
Nadagdagan pa ang kanegahan ni Aljur sa diumano’y sinabi niya sa isang interbyu na kukunsultahin muna niya ang kanyang mga adviser kung kailan niya pakakasalan si Kylie.
And how true na hindi na magre-renew ng kontrata si Aljur sa GMA na matatapos na sa March? May sama pa rin ba siya ng loob sa Kapuso network?
Samantala, tuloy pa rin ang paglabas ni Kylie sa “Encantadia.” Nabuhay ang karakter niya bilang Reyna Amihan. Tila hanggang kaya pa niyang mag-taping ay tuloy pa rin siya sa “Encantadia.”