Ipinatawag ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang bus driver na nakita sa isang live Facebook clip na nagka-counterflow sa isang daanan sa Quezon City noong Lunes.
Sinabi kahapon ni LTFRB Board Member Aileen Lizada na nag-issue sila ng show cause order laban sa isang driver ng Rainbox Express bus (TXF-713) na nag-counterflow sa kahabaan ng Regalado Avenue sa Fairview.
Ayon sa kanya, itinakda nila ang hearing sa February 15 para sa paglabag ng driver sa LTFRB Memorandum Circular 2011-004.
Pinagpapaliwanag din nila ang operator ng bus kung bakit hindi dapat kanselahin ang kaniyang franchise para sa biyaheng Baclaran-Grotto.
Noong Lunes, isang Kirstoff Guinto ang nag-live sa kaniyang Facebook kung saan ipinakita niya ang bus na nakaharap sa kaniyang sasakyan.
“Bago ko navideo yan super bilis ng pasok niya sa lane ko,” sabi Guinto sa kaniyang post. Dahil sa ginawa ng bus driver, naging mabigat na traffic sa naturang highway.
Isang motorista ang lumapit din sa bus driver at kinastigo siya dahil sa counterflowing. (Vanne Elaine P. Terrazola)