PUERTO PRINCESA, Palawan, (PIA) – Pinagbabawalan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang publiko na mangolekta, magbenta at kumain ng shellfish at alamang na nakuha sa baybayin ng lungsod ng Puerto Princesa simula ngayong araw.
Ito ay matapos na mag-positibo sa red tide toxin ang Puerto Bay na umabot sa lebel na 146 ugSTXeq/100g ang Paralytic Shellfish Poisoning (PSP) mula sa nakuhang shellfish galing sa lugar.
Pinag-iingat ng BFAR ang mga mamamayan sa pagtangkilik ng mga nasabing laman-dagat upang makaiwas sa pagkalason o ano mang pinsalang maidudulot sa sino mang makakakain ng mga ito.
Iiral ang shellfish ban hanggang sa muling mag-anunsiyo ang BFAR na bumaba ang lason sa normal na lebel nitong 60 ugSTXeq/100.
Samantala, sa kabila nito, ligtas namang kainin ang mga isda na nanggaling sa nasabing lugar basta tiyakin lamang na lilinisin itong mabuti, alisan ng bituka at hasang bago lutuin.
Nagpapatuloy sa ngayon ang pagbabantay ng BFAR katuwang ang City Agriculturist Office (CAO) para sa kaligtasan ng publiko at mapangalagaan ang industriya ng pangisda sa lungsod.