Patay ang isang ina habang kritikal ngayon ang kaniyang tatlong taong gulang na anak na babae matapos silang gilitan sa leeg ng ninong ng bata sa loob ng kanilang bahay sa Camarin, Caloocan City, noong Huwebes.
Ayon sa police, nadakip ang suspect na si Jayson del Valle, 32, isang electrician, ng Barangay 178, Camarin, Caloocan, habang nagtatago sa kisame ng bahay ng mga biktimang sina Janelle Mangulabnan, 25, at kaniyang anak.
Base sa imbestigasyon, nadiskubre ang krimen ng ama ni Janelle dakong 9 a.m. noong Huwebes.
Sinabi ng ama na napilitan siyang puntahan ang mag-ina sa kanilang bahay dahil hindi sinagot ni Janelle ang kaniyang text messages at tawag.
Ayon sa kaniya, natagpuan niya ang kaniyang anak na duguang nakahandusay sa sahig ng bahay habang umiiyak sa tabi ang kaniyang sugatang apo.
Kaagad niyang isinugod ang apo sa Tala Hospital at itinawag sa Caloocan City Police ang insidente.
Sinabi ni Senior Supt. Chito Bersaluna, Caloocan Police chief, na nang dumating sa bahay ng mga biktima ang mga rumesponding pulis dakong 2:30 p.m., natagpuan nilang nagtatago sa kisame si Del Valle.
“Del Valle hid in the ceiling of the house. The suspect even washed the kitchen knife he used to kill Janelle and injure the child,” sabi ni Bersaluna. “He hid the kitchen knife in one of the cabinets inside the house,” dagdag pa niya.
Nang tanunging ng mga imbestigador, sinabi ni Del Valle na nag-inuman sila ni Janelle sa loob ng bahay ng huli noong Miyerkules ng gabi,
Nang malasing siya sa apat na bote ng alak, inamin ni Del Valle na tinangka niyang gahasain si Janelle ngunit nanlaban ang babae at kumaha ng kutsilyo.
Naagaw ni Del Valle ang patalim at nilaslas niya ang leeg ng kaniyang kumare.
Ginilitan din niya ang kaniyang inaanak nang pumalahaw ng iyak dahil sa nakitang pagpatay sa ina.
Sinabi ni Bersaluna na ang ama ng bata ay nagta-trabaho sa Saudi Arabia.
Napag-alaman din na nawawala ang pera at mga gadgets sa loob ng bahay ni Janelle. (Jel Santos)