BINIGYANG-linaw ni Julia Montes ang balitang diumano’y lilipat na siya ng TV network pagkatapos umere ang pinagbibidahan niyang ABS-CBN afternoon teleseryeng “Doble Kara,” na ang final episode ay ipalalabas sa Feb. 10.
Ilang writeups kasi ang lumabas sa ibang diyaryo na nagsasabing lilipat umano si Julia sa GMA-7.
Wala raw katotohanan ang isyung ito, sabi ni Julia nang matanong namin siya sa thanksgiving at finale presscon ng “Doble Kara.”
“Masaya po ako kung nasaan po ako ngayon at inaalagaan po ako ng ABS-CBN and Dreamscape, nina Sir Deo Endrinal, so wala pong ganun,” paglilinaw ni Julia.
Nagulat ba siya na nagkaroon ng isyu ng lipatan? “Yes, opo. Honestly kasi parang never din naman sumagi ito sa aking isip from the very start. Siguro noon naisip ko na tumigil mag-showbiz, pero hindi lumipat.’’
From Star Magic, lumipat si Julia sa Cornerstone for management.
Hindi raw pwedeng basta na lang itapon ni Julia ang pagtitiwalang ibinigay sa kanya ng ABS-CBN at Dreamscape. Lalo na ngayong binigyan na siya ng titulo bilang Daytime Drama Queen dahil sa consistent na mataas na national TV ratings at pagiging Number One sa daytime ng “Doble Kara,” base sa datos ng Kantar Media.
Patunay rin daw na hindi aalis si Julia sa ABS-CBN ay may susunod na siyang proyektong inaayos ng Dreamscape. “Meron po, abangan ninyo po.’’
Excited daw siya sa mga makakasama niya sa bagong show.
Mapapanood ang pagtatapos ng “Doble Kara” mula Lunes hanggang Biyernes pagkatapos ng “It’s Showtime” sa ABS-CBN.
(GLEN P. SIBONGA)