KORONADAL CITY, South Cotabato (PIA) – Binago ng Department of Foreign Affairs Regional Consular Office sa Gensan ang kanilang oras sa pagsisilbi sa mga walk- in client upang di na mahihirapan ang mga nagpoproseso ng kanilang pasaporte.
Sa isang panayam, sinabi ni Daniel Te, OIC regional director ng DFA -Gensan, na simula noong Miyerkules, Pebrero 1, mula alas dos hanggang alas singko ng hapon na ang kanilang pag-aasikaso sa mga walk-in client, o yong mga pumupunta sa DFA na walang online appointment.
Wala na ring ginagawang pamimigay ng priority number sa umaga kung kaya’t hindi na kailangang pumila sa harap ng Robinsons Place ng madaling araw para makauna sa pila.
Ani Te, nagpapatupad sila ng first-come-first-served policy sa pagbibigay ng priority number na ipapamahagi nila mula alas-2 hanggang alas-5 na rin.
Isang daan limampung kliyente sa passport processing ang quota ng DFA-Gensan bawat araw.
Binigyang-diin pa ng opisyal na sa halip na pumila sa DFA bilang walk-in client, gamitin ang online registration ng DFA.