Inilunsad ng Social Security System (SSS) ang Calamity Relief Package na mas tumutugon sa pangangailangan ng miyembrong naapektuhan ng Super Typhoon “Nina” sa ilalim ng calamity loan assistance.
Sinimulan ang nasabing sistema noong February 3.
Ayon kay SSS President at Chief Executive Officer Emmanuel F. Dooc, bago ang calamity loan at hiwalay na pautang ito sa salary loan. Maaaring humiram ang miyembro ng hanggang R16,000 bilang calamity loan kung nagbabayad sila ng kontribusyon batay sa pinakamataas na MSC.
“Matapos ang hagupit ng Bagyong Nina, nakita namin na kailangang magbigay ng agarang tulong sa aming mga miyembro sa pamamagitan ng pagpapautang. Sana ay makatulong ang calamity loan assistance upang makabalik sa normal na pamumuhay ang aming mga miyembro at kanilang pamilya,” ani Dooc.
Noong mga nakaraang taon, Salary Loan Early Renewal Program (SLERP) ang pantulong ng SSS sa mga nasalanta ng kalamidad. Sa SLERP, ipinagpaliban ang kinakailangang 50 porsyentong pagkumpleto ng kabuuang bayad sa utang, na isa sa mga kundisyon sa ilalim ng regular na panuntunan sa pag-renew ng salary loan. Ngunit bilang konsiderasyon, pinahintulutan ng SSS ang mga miyembro na i-renew ang kanilang loan kahit iilang monthly amortization pa lamang ang kanilang binayaran.
“Kagaya ng salary loans, maaaring bayaran ang calamity loan sa loob ng dalawang taon na may 24 equal monthly installments. May taunang interest rate na 10 porsyento at isang porsyentong multa kada buwan kapag hindi nakapagbayad sa itinakdang panahon. Upang mas makatulong sa mga aplikante ay ipinagpaliban din ang isang porsyentong service fee,” paliwanag ni PCEO Dooc.