Humingi kami ng update kay Julia Montes tungkol sa kanila ng matagal nang nali-link sa kanyang si Coco Martin.
Kumusta na ba sila? Nagkikita pa ba sila?
“Okay na okay po kami. Kung nagkikita, sobrang busy e. Pero ’yung communication nandoon pa rin naman po e. ’Yung closeness ganun pa rin naman po,” sabi ni Julia.
Magtatapos na sa February 10 ang ABS-CBN afternoon teleser-yeng pinagbibidahan ni Julia, ang “Doble Kara.”
Pagkatapos ba ng “Doble Kara” ay posible siyang mag-guest sa “Ang Probinsyano?” “Ah, hindi po sa akin manggagaling iyang mga ganyan. Hindi ko po alam,” sagot niya.
Pero open ba siya sa idea? “Wala naman pong ano (problema). Opo, kung pwede po akong mag-guest, why not? Pero tignan po natin.”
Ang alam kasi ni Julia ay may inaayos ng bagong proyekto para sa kanya ang Dreamscape at ABS-CBN. Kaya posibleng wala na raw siyang pahinga pagkatapos ng “Doble Kara.”
“Pagkatapos po ng ‘Doble Kara,’ magsisimula na po kami ng mga meeting. So, magdire-diretso na po.”
Samantala, subaybayan ang nalalapit na pagtatapos ng “Doble Kara,” na nagbigay kay Julia ng titulong “Daytime Drama Queen” dahil sa consistent na mataas na national TV ratings at pagiging number one sa daytime ng kanyang serye, base sa datos ng Kantar Media.
Mapapanood ang “Doble Kara” mula Lunes hanggang Biyernes ng hapon pagkatapos ng “It’s Showtime” sa ABS-CBN.
(Glen P. Sibonga)