NAG-SHOUT OUT sa kanyang social media account si Liza Diño-Seguerra, chair ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) ng kagalakan matapos ang isang meeting kasama ang aktor na si Cesar Montano, newly elected Chief Operating Officer ng Tourism Promotions Board (TPB).
Ang TPB ay isang non-stock, non-profit government corporation na nasa ilalim ng Department of Tourism na ang layunin ay itaguyod ang Pilipinas bilang isang “ideal tourism, convention and incentive travel destination.”
Specifically, pinost ni Diño na sa pamamahala nga ni Montano, agresibo ang grupo nito sa kampanya upang ma-boost ang film tourism sa bansa.
“Very excited about our collaboration and partnership on various projects. Something big is happening this year.
Excited!!!” ang post ni Diño sa kanyang Facebook account.
Sa Facebook post rin ni Will Fredo, filmmaker at Executive Director ng FDCP, asahan daw ang mga kaabang-abang na programa ng kanilang grupo sa “pakikipag-sanib puwersa” sa TPB ni Montano.
Bubulaga ang mga ito sa industriya ngayong 2017.
Sa ilang interviews ni Montano, nagpahayag itong kasama sa mga plano ang pag-organize ng isang regional film festival ngayong taon.
“Maraming magagandang lugar dito sa Pilipinas. Marami tayong kwentong magaganda na hindi naikukwento, at ’yun ang gusto nating gawin,” dagdag nito.
Sampung probinsiya ang tinatarget upang mag-participate sa nasabing regional filmfest. (MELL T. NAVARRO)