Isang 21-taong gulang na lalaki ang sinaksak at napatay ng kaniyang nakababatang kapatid sa gitna ng kanilang inuman sa Parañaque City noong Linggo ng gabi.
Dead on the spot si Benedict Angcon, binata, ng Sagana Village, Barangay Moonwalk, Paranaque, matapos saksakin ng limang beses ng kaniyang 20-taong gulang na kapatid na si Jay-R.
Under observation naman si Jay-R sa Paranaque Medical Center dahil sa saksak at gasgas sa dibdib, kamay, hita at paa na tinamo niya habang nakikipagbuno sa biktima.
Ayon kay Parañaque police chief Senior Supt. Jemar Modequillo, nag-iinuman ang Angcon brothers kasama ang dalawa nilang kaibigan sa loob ng kanilang bahay nang maganap ang insidente dakong 11 p.m..
Habang nasa kasagsagan ng inuman, sinabi ni Modequillo na nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang magkapatid na nauwi sa saksakan.
Ayon sa ama ng magkapatid na si Benigno, nawawala sa sarili si Jay-R sa tuwing nalalasing.
“Kapag nalalasing ay nagwawala daw ‘yong suspek at parang nawawala sa sarili niya. Nagbabasag pa ng mga gamit nila sa bahay kapag nalalango,” sabi ni Modequillo.
Sinabi naman ni Jay-R na si Benedict ang nagsimula ng away at dumampot ng kitchen knife.
Ipinagtanggol lamang niya ang kaniyang sarili, aniya. Na-recover ng Southern Police District (SPD) Scene of the Crime Operatives ang duguang 7-inch kitchen knife sa sala.
Sinabi ni Benigno na bagamat mahirap tanggapin ang nangyari, nais niyang makulong ang kaniyang anak dahil sa nagawang krimen. (Martin A. Sadongdong)