PUERTO PRINCESA, Palawan (PIA) – Muling ipinatutupad ng Department of Agriculture-Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (DA-BFAR)-Mimaropa ang open season sa isdang galunggong na nagsimula nito lamang Pebrero 1.
Sa press conference na ipinatawag ng DA-BFAR kamakailan ay inanunsiyo ni DA-BFAR Mimaropa OIC Regional Director Elizer S. Salilig ang muling pagbubukas o open season para sa panghuhuli ng nasabing isda sa lahat ng mga mangingisda maging sa mga commercial fishers.
Ang open season ay magtatagal hanggang Oktubre 31, 2017. Ang open season at closed season sa isdang galunggong ay nasa ikalawang taon nang ipinatutupad ng DA-BFAR sa ilalim ng Joint Administrative Order No. 1 series of 2015 ng Department of Agriculture (DA) at ng Department of Interior and Local Government (DILG). Dito ay nag-aatas ng pagbabawal ng pangingisda ng galunggong sa ilang parte ng Hilagang Palawan sa loob ng tatlong buwan para sa mga ‘commercial fishers’ o mga malalaking pamalakaya na gumagamit ng mga bangkang may sukat na 3.01 gross tons pataas.