Gustong pagtuunan ng pansin ni Sam Milby ang recording para sa kanyang bagong album pagkatapos umere ng ABS-CBN afternoon teleseryeng Doble Kara.
“Yes, concentrate muna sa bagong album. Halos patapos na yung album, one song na lang,” sabi ni Sam.
Kung magkakaroon din daw ng pagkakataon ay nais niya rin sanang makapagbakasyon ng kahit isang linggo bago sumabak ulit sa trabaho. Paris nga ang napili niyang lugar na pupuntahan.
Samantala, mami-miss daw ni Sam ang pakikipagtrabaho sa bida ng Doble Kara na si Julia Montes. Bilang isa sa dalawang leading men ni Julia, hindi lang daw katrabaho ang naging samahan nila ng Kapamilya actress kundi bilang magkaibigan din.
Papuri nga ni Sam kay Julia, “Masarap talaga katrabaho si Julia. Mahusay talaga siya. Even if she’s at a young age, she’s much older beyond her years like sa pag-iisip. She’s very patient. Grabe yung pagtulong niya sa akin sa mga eksena.”
Gumaganap si Julia ng dual role bilang kambal na sina Kara at Sara. Si Sam naman ay si Seb, na asawa ni Kara. Pero pareho niyang nakakasalamuha sa taping ang dalawang characters na ito ni Julia. Kaya natanong namin si Sam kung ano ang nagiging reaksyon niya kapag kaeksena niya ang bawat karakter na parehong mahusay na ginagampanan ni Julia?
“Well, nararamdaman talaga namin kung sino yung characters na kasama ko. Parang pag si Kara mas kumportable ako, pag si Sara nai-intimidate ako,” natatawang sabi ni Sam.
Huwag palalampasin sa Biyernes, February 10, ang finale ng Doble Kara na mapapanood pagkatapos ng It’s Showtime.
(GLEN P. SIBONGA)