Patay ang dalawang lalaki nang manlaban sa police na sumita sa kanila habang ninanakawan nila ang isang kotse sa Quezon City kahapon ng umaga.
Sinabi ni Quezon City Police District (QCPD) chief Senior Supt. Guillermo Eleazar na inaalam pa nila ang pangalan ng dalawang napatay sa shootout na naganap dakong 1:10 a.m. sa kahabaan ng Maharlika St. malapit sa National Housing Authority sa Barangay Old Capitol Site.
Bago naganap ang insidente, nagpapa-patrol ang mga miyembro ng QCPD special operation unit (DSOU) at anti-carnapping (ANCAR) units nang mamataan nila ang mga suspek na ninanakawan ang isang black Kia car na nakaparada sa tapat ng isang hardware store.
Nang sitahin ng mga pulis, mabilis na tumakas ang dalawa sakay ng isang motorsiklo.
Hinabol ng mga pulis ang dalawa hanggang masakote sila sa Maharlika St., kung saan naganap ang shootout. Dead on the spot ang dalawang magnanakaw.
Sinabi ng may-ari ng kotse na si Andrea Madrigal na ipinarada niya ang kanyang sasakyan dakong 12:10 a.m. at pumunta sa kalapit na bar. (Vanne Elaine P. Terrazola)