BATANGAS (PIA) – Siyamnapung iba’t-ibang uri ng baril ang isinurender ng pamahalaang lungsod sa Batangas City Police Station noong Pebrero 1.
Layunin ng naturang hakbang na masigurong maayos pa ang kundisyon ng mga ito gayundin ang mga lisensya at iba pang dokumento na kaakibat ng bawat baril.
Bahagi rin ng Balik Armas Program ng Philippine National Police na isinusulong na tuluyan ng mawala ang pagkalat ng loose firearms hindi lamang sa lungsod kundi maging sa buong lalawigan.
Ayon kay PO3 Ding Calalo ng Firearms Desk, pansamantalang ilalagak sa pangangalaga ng Batangas City Police ang mga baril na ito habang inaayos ang kanilang mga dokumento.
Kasalukuyang naka-isyu ang mga baril na ito sa City Mayor’s Office, Office of the City Veterinary and Agricultural Services, Defense and Security Services at City Market Office at ngayon ay ililipat sa pangalan nina Mayor Beverley Dimacuha at Joyce Cantre, hepe ng General Services Department.