Bago maging isang award-winning actress si Ms. Elizabeth Oropesa, alam n’yo bang naging beauty queen muna siya?
Kinoronahan si La Oropesa bilang Miss RP Luzon noong 1972. Gamit niya ang tunay niyang pangalan na Elizabeth Freeman.
Pero hindi raw nagtagal ang titulo sa kanya dahil binawi raw ito noong malamang underage siya.
“Kasi naman, 15-years old lang ako noong sinali ako ng nanay ko sa Miss RP.
“18 years old ang legal age para makasali ka sa gano’ng pageants.
“Eh dahil pangarap ng nanay ko na maging beauty queen, sinali niya ako kahit na kinailangan niyang dayain ang age ko..
“Kasi naman malaking bulas ako. Malalaki na ang mga parte ng katawan ko noon, matangkad pa ako kaya pumasa ako bilang 18-years old.
“Noong makoronahan na ako bilang Miss RP Luzon, siyempre, tuwang-tuwa ang nanay ko. Bigla kaming pinatawag ng pageant organizers at hiningi ang birth certificate ko.
“Doon nila nalaman na I was only 15. So binawa nila ang title ko.
“Pero ang nanay ko, hindi niya binalik ang korona ko. Binalik lang namin ay ‘yung mga premyo,” natatawang pag-alala ni Elizabeth.
Kahit daw binawi ang titulo niya, wala raw siyang regrets na sumali siya dahil marami raw siyang natutunan noong nasa pageant siya.
“Natuto akong sumagot nang maayos sa mga tanong. May training din kami that time.
“Wala akong regrets na sumali ako at that age. Kasi nabigyan ko ng kasiyahan ang nanay ko.
“Kahit na dinaya pa niya ang edad ko, alam kong she did it out of love.
“Ang nanay ko ang pinakamasayang tao noong manalo ako. Kahit na binawi, okey lang kasi it was an unforgettable experience for me,” ngiti pa ni Elizabeth Oropesa na bumalik sa pagbida sa pelikulang Moonlight Over Baler na mula sa direksyon ni Gil Portes. (RUEL J. MENDOZA)