Tinatayang nasa 750 families ang nawalan ng tahanan nang sumiklab ang sunog sa isang residential community sa Malabon noong Miyekules ng gabi.
Ang sunog na umabot sa Task Force Bravo ay nagsimula bandang 5:30 p.m. sa isang water refilling station sa People’s Village, Dulong Hernandez, Barangay Catmon. Mabilis na kumalat ang apoy sa iba pang kabahayan.
Walang napaulat na nasugatan sa sunog ngunit napilitang magpalipas ng gabi ang mga naapektuhang residente sa mga evacuation centers at sa kalye.
Tinatayang nasa R2 milyon ang halaga ng ari-arian na nasira ng sunog, ayon sa fire investigators.
Na-control ang sunog dakong 11:52 p.m. at tuluyang naapula bandang 12:50 a.m. kahapon.
5 SUGATAN
Samantala, limang katao, kabilang ang dalawang firemen at isang fire volunteer, ang nasugatan sa sunog na sumiklab sa isang warehouse ng kitchenwares sa Pasay City noong gabi ring iyon.
Sinabi ni FO1 Federico Enero ng Pasay City Bureau of Fire and Protection Central Station na nasugatan sina FO2 Rafael delos Reyes ng Kalayaan Fire Station, Inspector Jun Marie Marcaida ng BFP Central Station, at fire volunteer Aderito de Vansa, 30, habang inaapula nila ang apoy.
Nagtamo sina Delos Reyes at Marcaida ng mga hiwa sa daliri, habang nasugatan naman ang kaliwang paa ni De Vansa nang aksidenteng maapakan ang isang metal craft.
Isinugod din sa ospital sina Feliza Baisa, 80, at Maribel Bautista, 40, mga residente ng Tramo St., Pasay City, matapos ma-suffocate sa usok.
Base sa report ng city fire marshal na si Supt. Carlos Duenas, nagsimula ang sunog dakong 6:24 p.m. sa fourth floor ng bagong gawang building ng Ramish Trading Corporation na matatagpuan sa 530 Arnaiz Avenue, Barangay 108, Zone 12, Pasay City, na pag-aari ng Harest Merchandasi. (Jaimie Rose Aberia, Jean Fernando)