Kinasuhang ng Quezon City Police District (QCPD) ang walong scalpers matapos mahuling nagbebenta ng overpriced basketball game tickets.
Ayon sa police, sinampahan nila ng kasong paglabag sa anti-scalping city ordinance sina Wilfedo Javier, 51; Rene Sioco Jr., 34; Darwin Lumibao, 27; Alexander Mendoza, 38; Anabel Argueza, 39; Rosalie Guevarra, 42; Susan Nunez, 57; at Reggi Malapitan, 24.
Naaresto sila dakong 4 p.m. noong Martes bago magsimula ang laro ng Barangay Ginebra San Miguel at Alaska Aces sa Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.
Bago ang pag-aresto, inalerto ng isang manonood ang QCPD’s special operations unit (DSOU) tungkol sa isang grupo sa labas na nagbebenta ng tickets sa mga taong hindi nakabili sa booths.
Sinabi ng impormante na nasa 70 hanggang 100 percent ng original price ang halaga ng tickets na pinagbibili ng mga suspek.
Mabilis na rumesponde ang mga operatiba ng DSOU at dinakip ang scalpers.
Sinabi ni Supt. Rogarth Campo, DSOU chief, na ang mga naarestong suspek ay mga residente ng Mandaluyong City, Manila, Pasay City, Quezon City at Cavite at matagal nang sangkot sa ticket scalping na kadalasan ay para sa basketball games.
“Usually, twice or thrice the price ang patong nila sa ticket,” aniya.
Nakumpiska sa mga suspek ang anim na cellphones at 29 tickets ng game na may nakalagay na presyong P350 at P850.
Nakakulong ang mga suspek sa Camp Karingal. (Vanne Elaine P. Terrazola)