Patay ang isang elementary public school teacher pagkatapos pagbabarilin ng armadong lalaki sa harap ng mga estudyante at residente ng Purok 11, Barangay Angas, Sta. Josefa, Agusan del Sur noong Miyerkules ng hapon.
Kinilala ang biktima sa isang flash report na galing sa regional command and action center ng Northeastern Mindanao Police Regional Office 13 sa Camp Rafael C. Rodriguez, Butuan City na si Jovy Punzalan Dimaulo, 33, guro ng Sta. Josefa Elementary School sa Barangay Poblacion.
Ayon sa report, pauwi na si Dimaulo ng dumating ang suspect sakay ng motorsiklo. Bumunot ng baril ang suspect at pinagbabaril ang biktima sa dibdib.
Dinala si Dimaulo sa ospital kung saan siya idineklarang dead on arrival.
Masusing iniimbestigahan ng mga pulis ang insidente. Ipinagutos na ni PRO 13 Regional Director Chief Supt. Rolando B. Felix ang pagtugis sa suspect. (Mike U. Crismundo)