Inaresto sa Baguio City noong Biyernes ng Philippine National Police ang tatlong hinihinalang miyembro ng New People’s Army na sangkot umano sa panununog ng mga truck ng isang mining company sa Benguet kamakailan.
Kinilala ni Chief Supt. Elmo Francis Sarona, PNP-Cordillera Administrative Region police chief, ang mga suspect na sina Sarah Abellon, Promencio Cortez, at Marciano Sagun.
Ayon kay Sarona, ang mga suspect na nasampahan na ng kaukulang kaso ay naaresto sa isang checkpoint sa lungsod malapit sa kanilang inuupahang transient house.
Base sa intelligence reports, sinabi ni Sarona na si Abellon ay ang secretary ng Communist Party of the Philippines-NPA Sub-Regional Military Area Command sa Cordillera Administrative Region na responsable sa paniningil ng revolutionary taxes mula sa malalaking proyeto.
Samantala, si Cortez ay may pabuyang P4.8 million para sa kanyang ikadarakip at isa umano sa mga top NPA leaders sa CAR.
Patuloy ang pagtugis ng PNP sa mga kasamahan ng mga suspect sa panununog. “Both the police and the military remain in pursuit of the main body of communist rebels who carried out the attack,” sinabi ni Sarona. (Aaron B. Recuenco)